Binaril sa ulo habang nagko-computer... 13-anyos utas sa resbak

MANILA, Philippines - Binoga sa ulo ang isang 13-anyos na binatilyo ng hindi pa kilalang suspek na naka-bonnet habang naglalaro sa isang computer shop, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Ang biktima na namatay noon din dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo ay kinilalang si Ramon Tanjongco, ng C. Perez St., Brgy., Tonsuya ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng madaling-araw habang naglalaro sa loob ng Santina Computer Shop ang biktima nang sumulpot ang suspek at walang kaabog-abog na pinaputukan ang biktima sa ulo at nang bumulagta ay mabilis na tumakas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang krimen ay kasama ang biktima ng kanyang mga kabarkada na nakipagrambulan sa isa pang grupo ng mga gang sa may Kadima, Letre Road, Tunsoya ng nasabing lungsod.

 Matapos ang rambol ay dumiretso ang grupo ni Tanjongco sa nasabing computer shop at naglaro. 

Dito sinundan ang grupo ng biktima ng kanilang kaaway at nang makakuha ng tiyempo ay binaril ito.

Show comments