MANILA, Philippines - Tuluyan nang nilisan ni ex-Cadet Jeff Aldrin Cudia ang Philippine Military Academy (PMA) matapos na mabasura ang apela na makasama sa graduation rites ng Siklab Diwa Class 2014 noong Linggo.
Sinabi PMA Spokesperson Major Agnes Lynette Flores bandang alas-10:00 ng gabi kamakalawa nang lisanin ni Cudia ang holding area nito kasama ang kaniyang mga magulang na sina Renato at Filipina gayundin ang kaniyang abogado.
Ayon pa kay Flores dumaan sa tamang proÂseso ang pagkakatanggal ni Cudia kung saan nabigyan din umano ito ng clearance na maaari nitong gamitin sa pagpasok sa ibang paaralan.
Magugunita na pinili muna ni Cudia na manatili sa loob ng akademya habang hinihintay ang desisyon ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa kaniyang apela na payagang makasama sa graduation rites kamakalawa.
Gayunman, nabigo ang kampo ni Cudia dahilan sa ibinasura ng Cadet Review and Appeals Board (CRAB) ang kaniyang apela at tuluyang pinatalsik ang kontrobersyal na kadete na nahaharap sa kasong paglabag sa Honor Code.
Si Cudia na dapat sana’y nagtapos na number 2 at top sa Navy Class sa PMA Siklab Diwa Class 2014 kung hindi ito nasangkot sa paglabag sa Honor Code ng akademya matapos umanong magsinungaÂling sa pagkahuli nito ng dalawang minuto sa kaniyang klase.