MANILA, Philippines - Nahulog mula sa ika-19th na palapag ng gusali ang isang 28-anyos na laborer at dumiretso sa hinukay na kanal, sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ala-1:30 ng madaling araw nang bawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktimang si Edil Henry Leano, stay-in laborer sa Tower 5 Suntrust Parkview na matatagpuan sa Concepcion St. Ermita, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Milbert Balinggan, ng Manila Police District-Homicide Section, bago maghating gabi nang makipag-inuman ang biktima sa mga kasamahan sa trabaho na nagsimula ng alas-9:00 ng gabi at nagpabili ng gin at softdrinks.
Nagkukuwento pa umano sa mga kainuman na sina Kenneth Nocor, Jimmy Gambal at Orlan Baldos hinggil sa problema sa kalive-in nito.
Habang nagkukuwento umano ay inalis ang sim card sa cellphone at sinira, habang ang cellphone ay isinangla sa kasamahan sa halagang P200. At nagyaya sa beerhouse.
Nakauwi pa umano ang biktima at mga kasama nito sa inuman pero nang nakatulog ang iba sa kanila at isa ang gumising na may nagsabing nakita na sa ibaba ang biktima, na na-swak sa kanal na may nakaabang na tubo.
Nabatid na bumagsak ang biktima sa hinukay na kanal na mayroong tubo sa ilalim.
Pinagtulungang buhatin at isinugod sa ospital subalit hindi na nagtagal at idineklarang patay.