Kotse wasak sa truck: 4 todas

Nayupi na parang lata ang kotse na ito matapos na masalpok ng trailer truck kahapon ng umaga sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. San Agustin 1 Dasmarinas City, Cavite.- Cristina Timbang-

MANILA, Philippines - Mistulang pinitpit na lata ang isang kotse na ikinasawi ng apat na sakay nito matapos na salpukin ng isang trailer truck kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. San Agustin 1, Dasmariñas City, Cavite.

Namatay noon din sa loob ng kanilang nawasak na Honda Civic (WHF-898) ang driver na si Joan Toledo, 37, ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City; at mga sakay nito na sina Lowie Alcaraz, 33, ng Brgy. Salcedo 1, Naic Cavite.; Rogelio Santos Jr.,41, ng Brgy. Buhay Na Tubig; at Armando San Pedro III, ng Tagaytay City.

Sa imbestigasyon, bago nangyari ang malagim na aksidente dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. San Agustin 1 ay kasaluku­yang bumabagtas sa lugar ang isang Isuzu trailer truck (TXG 625) na minamaneho ni Rico Andes, 38 ng Brgy. Tandang Kutyo, Tanay, Rizal patungo sa direksyon ng Tagaytay City.

Hindi nito nakita ang mabilis na pagdating ng kotse na patungo naman sa Maynila at huli na umao para ito ay maiwasan kung kaya’t nasalpok ang kotse.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang kot­se na agad ikinasawi ng 4 sakay nito.

Naaresto ang suspek at nakahandang kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide.

 

Show comments