Lola utas sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Isang 60-anyos na lola na pasahero ng bus ang nasawi matapos na tamaan ng ligaw na bala nang barilin ng isang magnanakaw ang mga aarestong pulis, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Ang biktima na namatay noon din dahil sa tama ng bala ng kalibre .9mm sa leeg ay kinilalang si Rebecca Sapelino, ng Calumpit, Bulacan.

Ang suspek na nasu­gatan dahil sa tama ng bala sa dibdib ay kinilalang si Elmer Orfano, 18-anyos, ng Merculo Street, Olongapo City.

Batay sa ulat, dakong alas-7:55 ng gabi ay sakay ng bus sa may Victory Bus Terminal sa may Rizal Avenue, Monumento ang biktima nang tamaan ito ng bala.

Sa imbestigasyon ng pulisya, planong maki­pagkita ng suspek sa isang John Mark Navarro, 38-anyos, upang ipatubos ang ninakaw nitong cellular phone.

Nataranta ang suspek nang makita si Navarro na may kasamang mga pulis kaya walang habas itong nagpaputok sa lugar at minalas na tinamaan ng ligaw na bala ang biktima.Gumanti naman ng putok ang mga pulis at tinamaan nang bala ang suspek sa dibdib.

 

Show comments