MANILA, Philippines - Ang House Resolution 597 ni Oriental Mindoro Cong. Reynaldo Umali na nanawagan sa mga kapwa kongresista na igiit ang kapangyarihan sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ay lumusot na sa committee level ng Kamara.
Sa nasabing resolusyon ay 171 kongresista ang lumagda at nagsilbing co-authors nito, habang unanimous naman ang naging botohan nito sa
house committee on suffrage.
Ito ay nag-ugat sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang tunay na nanalong kinatawan ng Marinduque ay si Lord Allan Velasco at hindi si Congw. Gina Reyes na siyang nakaupo ngayon sa Kamara.
Ayon kay Umali na ang HRET na ang dapat na may hawak sa kaso dahil si Reyes ay nakapanumpa na bilang kinatawan ng Marinduque matapos na talunin nito si Velasco na anak ni Associate Justice Presbitero Velasco sa mahigit kumulang na 4,000 botong kalamangan noong nakalipas na eleksyon.
Kinontra nina Umali, Oriental Mindoro Reps. Doy Leachon at Josephine Sato ang sinabi ni Cavite Cong.Elpidio Barzaga na kilalanin at sundin ang desisyon ng SC na pababain sa puwesto si Reyes para bigyang daan si Velasco dahil kitang-kita nila na kaduda-duda umano ang desisyon ng SC na inilabas lang sa loob ng 18 araw.