Problem child dedo sa pulis

MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na lalaki na umano ay pasa­nin ng kanyang mga magulang ang binaril at napatay ng isang pulis matapos na rumesponde sa pagwawala ng una sa kanilang lugar kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ang suspek na namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Daniel Bautista, ng Ilang-ilang St., Tala Malaria, ng lungsod. 

Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang humingi ng saklolo sa mga barangay at pulis ang mga residente dahil sa pagwawala ni Bautista na umano ay nasa impluwensya ng iligal na droga.

 Rumesponde ang mga tanod  kabilang si PO2 Michael Pineda at dito ay nagtatakbo ang suspek at sumisigaw na hindi magpapahuli ng buhay na pumasok sa bahay ng isang Celeste Rubio.

Sinundan ng mga otoridad ang suspek, subalit nagpaputok ito gamit ang pen gun at tinamaan ang tanod na si Wilson Tablate.

Gumanti ng putok si PO2 Pineda at tinamaan ang suspek na dinala sa Tala General Hospital ngunit hindi na ito uma­bot ng buhay.

Ayon naman sa magulang ng suspek na hindi sila magsasampa ng reklamo laban sa pulis dahil matagal na nilang problema ang kanilang anak dahil sa madalas na pagwawala sa kanilang bahay at minsan na ring sinaktan ang kanyang ama nito.

 

Show comments