MANILA, Philippines - Nasugatan ang dating alkalde ng Cotabato City at dalawa nitong aide habang ang isa pa niyang aide ay nasawi matapos na salpukin ng trailer truck ang sinasakyan nilang van kamakalawa sa national highway ng Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao.
Nasugatan si Cotabato City Mayor Muslimin Sema, isa sa lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) na lumagda sa peace agreement sa pamahalaan noong 1996, at dalawang aide nito na sina Nords Dimasangkay at Samad Tasil. Habang nasawi ang isa pang aide nito na si Bandon Ampatuan.
Batay sa ulat, pasado alas-11:00 ng tanghali ay kasalukuyang lulan si Sema ng van nito na bumabagtas sa pakurbadang bahagi ng national highway galing General Santos City patungo sa Cotabato City nang mabangga ng kasalubong na trailer truck.
Dalawang anggulo ang iniimbestigahan ng pulisya sa kaso, ang una ay ang posibilidad na sumabog ang gulong ng trailer truck na nakabangga kay Sema at pangalawa ay posibleng nakatulog ang truck driver na si Antonio de Lara.