MANILA, Philippines - Isang barko na nakadaong sa pantalan sa Bacolod City ang nasunog na ikinasugat ng anim na tripulante kahapon ng umaga sa Negros Occidental.
Ang mga nasugatan ay nakilalang sina Ronelo CaÂvalcar, Deo Norico, Froilyn Sembrano; pawang residente ng Iloilo, Pedrito Mahinay ng Bacolod City, Inocencio Sarbido ng Cebu at Artemio Rosales ng Leyte na patuloy inoobserbahan sa Western Visayas Regional Hospital dahil sa pagkasunog sa mukha hanggang sa paa.
Sinasabing ilan sa mga biktima ay itinakbo sa pagamutan na wala ng mga saplot sa katawan na sanhi ng pagsabog at pagliyab na naganap sa isang bahagi ng barko
Batay sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga nang bigla na lamang nagliyab kasunod ng pagsabog ang SF Adventure Cargo Vessel na nakadaong sa BREDCO Port.
Ayon sa ilang survivors, isang malakas na pagsabog ang narinig bago nagliyab ang isang bahagi ng engine room ng barko kung saan naroon ang mga biktima at nagwe-welding.
Naagapan naman ang sunog bago pa kumalat sa buong barko na may mga kargang bakal at mga construction materials.