MANILA, Philippines - Pinagbabaril ang isang 10-anyos na batang lalaking sinanay na mandirigma ng Abu Sayyaf Group matapos itong magbalik-loob sa pamahalaan at talikuran ang ektreÂmistang grupo sa naganap na karahasan sa Tipo-Tipo, Basilan.
Ang nasawing biktima dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Bingol Palaraw.
Sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang pagpaslang sa biktima sa harapan ng isang Muslim Religious School sa Tipo-Tipo ng lalawigan.
Nabatid na ang biktima ay ginawang mandirigma ng mga bandido matapos itong ma-recruit nang takasan ang umbagerong amain.
Nabatid na ang bata ay sinanay sa terorismo ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama na kilalang isang notoryus sa mga kaso ng kidnap for ransom, pambobomba, ambuscades laban sa security forces at maging pamumugot ng ulo ng mga hostages.
Sa murang edad ng bata ay natuto itong magbitbit ng armas at makiÂpagpalitan ng putok sa mga sundalo kung saan ang mga tinaguriang ‘child warriors’ ay ginagawang frontline sa sagupaan.
Nasagip naman ang bata sa isa sa mga opeÂrasyon ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf may 8 buwan na ang nakakalipas at isinailalim sa masusing stress debriefing hanggang sa mahimok na bumalik na muli sa pag-aaral sa tulong ng mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Pinaniniwalaan namang ang mga bandido na dating nagsanay sa bata na maging mandirigma ang nasa likod ng pamamaslang.