Mindanao nakaranas ng malawakang blackout

MANILA, Philippines - Nakaranas ng malawakang blackout ang area ng Mindanao simula kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Jericho Petilla, ang buong Mindanao grid ay pumalya bago mag-alas-4:00 ng madaling araw.

Sinabi ni Petilla, patuloy pa rin nilang inaalam kung anong mga lugar sa Mindanao ang apektado ng blackout dahil may mga lugar sa Zamboanga,  Cagayan de Oro at Davao City ang may supply ng kuryente  dahil may ‘embedded gensets’  ang mga ito at mga kooperatiba.

“Any blackout is a serious problem pero ang importante rito, how soon can get it back” pahayag pa ni Petilla.

Sa ngayon ang prayoridad ng DOE ay sikaping maibalik ang supply ng kuryente at kanila na ring iniimbestigahan kung ano ang naging sanhi ng blackout sa malaking bahagi ng Mindanao.

 Paliwanag ng kalihim, wala namang nasirang planta ngunit iniisa-isa ang pagbabalik operasyon nito dahil maaaring magdulot pa ito ng aberya kung magiging sabay-sabay.

  Pinagpapaliwanag na ng DOE ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa nangyaring blackout sa Mindanao.

Inihayag naman ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza,  na nagkaroon na ng partial restoration ng power supply sa Cagyan de Oro, Davao City, Gen. Santos City, Pagadian City, Misamis Oriental at Zamboanga City.

 

Show comments