MANILA, Philippines - Ligtas na nabawi ng Naic-PNP ang isang 7-anyos na batang lalaki sa kamay ng kanyang mga kidnaper sa isinagawang drug operation kamakalawa ng gabi sa Naic, Cavite.
Sa ulat ni Cavite Provincial Director S/Supt. Joselito Esquivel Jr., nagsagawa ang grupo ni P/Supt. Hermogenes Cabe ng buy-bust operation sa Barangay Ibayo Estacion dahil sa tip na may nagaganap na bilihan ng droga sa lugar.
Dito ay naaresto ang mga suspek na sina Julius Abagon, 33; Salvacion Abagon, 42; at Jason Angeles, 39 at nasamsam sa mga ito ang marked money at ilang gramo ng shabu.
Sa isinagawang interogasyon ay nabatid na ang mga suspek ay responsable sa pagkidnap sa biktimang si John Ringo B. Acusar, ng Buenavista 3, General Trias, Cavite na kinidnap noong Pebrero 10 habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay.
Ikinanta ni Salvacion na sila ang kumuha sa bata at inginuso ang kanilang hideout sa Tramo, Ibayo Estacion, Naic, Cavite at dito ay ligtas na nabawi ang bata.
Bukod sa kasong droga ay kinasuhan din ang mga ito ng kidnapping.