Kanang kamay ni Kato, timbog sa checkpoint

MANILA, Philippines - Isang Commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)  na wan­ted sa kasong arson ang naaresto ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa isinagawang checkpoint sa Quezon Avenue, Cotabato City kamakalawa.

Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Ustadz Wahid Tundok, Commander ng MILF’s 108th Base Command, isa ring Muslim cleric at No. 1 most wanted na kriminal sa Central Mindanao.

Batay sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang masakote ang suspek sa bahagi ng Matampay Bridge, Quezon Avenue. Ang suspek ay dati ring kanang kamay ni Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Commander Ameril Umbra Kato.

Sa imbestigasyon, kagagaling lamang ni Tundok sa pakikipagpulong sa mga kasamahan nitong lider ng MILF sa Sultan Kudarat nang masabat ng security forces  bago magtakipsilim kamakalawa.

Nabatid na matagal nang wanted si Tundok sa batas kaugnay ng pagkakasangkot sa mga kasong arson sa panununog ng kabahayan ng mga residente sa Central Mindanao.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang PNP at AFP na daraan sa lugar si Tundok na nagresulta sa pagkakadakip nito gayundin sa kaniyang ilang tauhan.

 

Show comments