MANILA, Philippines - Dahil sa kabiguang makipag-cooperate sa pagdinig ng Senado sa rice smuggling, isa pang rice trader ang pinatawan kahapon ng contempt ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Senator Cynthia Villar.
Pinatawan ng contempt si Judilyne Lim ng DGL Commodities Inc. matapos mabisto ang kanyang pagsisinungaling.
Inihayag ni Lim na hindi ginamit ng kanyang kumpanya ang mga kooperatiba ng mga magsasaka para sa ilegal na importasyon ng bigas, pero nauna niyang inamin na empleyado niya ang isang Leah Echevaria pero hindi umano niya alam na may kaugnayan ito sa rice smuggling operations.
Kinuwestion ni Senador Joseph Victor Ejercito ang pahayag ni Lim dahil hindi umano magagawa ni Echevaria ang ganoong gawain kung nag-iisa lamang siya.
Nagdesisyon si Villar, na ipa-contempt si Lim dahil sa hindi nito pagsagot ng maayos sa mga tanong ng komite.