Miyembro ng PSG huli sa pamemeke ng ATM

MANILA, Philippines - Arestado ang isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) matapos mahuling namemeke ng ATM cards sa Makati  City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni  Sr. Supt. Manuel Lucban, hepe ng Makati City  Police ang suspek na  si  Raphael Malacay Marcial “alyas Shider”,  ng PMA Class of 2008.

Alas-11:30 ng gabi nang arestuhin ng mga pulis ang suspek sa Eastwest Bank sa Pasong Tamo Extention, Barangay Magallanes, Makati City.

Ayon sa report, habang nagpapatrulya ang awtoridad ng mamataan ang isang motorsiklong walang plaka na nakaparada sa labas ng ATM booth ng naturang bangko.

Dahilan upang kaagad na makipag-coordinate ang mga ito  sa mga nakatalagang guwardya ng bangko.

Sinabi ni Col. Butch Abalon, security head ng Safety and Security Department ng bangko, mino-monitor nila ang galaw ng suspek dahil sa kaduda-dudang kilos nito.

Hanggang sa sitahin nila ang suspek at nakumpiska mula sa kanya ang sampung pekeng ATM card  pati na ang ilang blankong ATM at gamit sa paggawa ng mga ito tulad ng ATM scanner. 

 

Show comments