Maximun tolerance ipapatupad

Nakasulat sa tarpaulin at nakadisplay sa mga pangunahing kalsada sa Maynila na simula na ngayon (February 24) ang pagpapatupad ng truck ban mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 umaga at alas-3:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi. Edd Gumban

MANILA, Philippines - Magpapatupad ng maximun tolerance ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa protestang ikinasa ng mga truckers kasabay ng pagpapatupad ng  day time truck ban simula ngayong araw.

Ayon kay Moreno, handa  na kanilang panig sa anumang gagawin ng mga truckers kasama ang  puwersa ng   Manila Police District (MPD) sa pangu­nguna ni  Officer in Charge Sr. Supt. Rolando Nana.

Inaasahan muling magsusuot ng  camouflage uniform si Estrada na kanyang isinuot nang  ipatupad ang  bus ban sa Maynila.

Sinabi ni Moreno,  ang desisyon ng mga truc­kers ay indikasyon na nais nilang ipakita na mas maga­ling at malakas sila  sa opisyal ng  pamahalaan at walang makakapigil sa kanilang gagawing protesta  ngayon araw.

Nakalulungkot lamang isipin ayon kay Moreno na ginagawa ng city government ang lahat ng  paraan upang mapagbigyan ang  lahat ng  sector subalit tila sila pa ang ginawagang  kontrabida  ng mga truckers.

Aniya, pansarili lamang  ang iniisip ng mga truckers samantalang hindi nila alintana ang kapa­kanan ng mas nakarara­ming maaapektuhan commuters.

Naniniwala si Moreno na ang kanilang ginawang modification na tatagal sa loob ng  anim na buwan ay  makabubuti sa lahat ng  sector kung  kaya’t wala nang dapat pang  ikagalit ang  mga truckers.

Show comments