MANILA, Philippines - Matapos umanong lumabag sa ‘honor code’ ng Philippine Military Academy (PMA) nang mahuli ng 2 minuto sa kaniyang klase ay namemeligrong hindi umano maka-graduate si Cadet Aldrin Jeff Cudia kandidatong Number 2 sa magsisipagtapos sa PMA Class 2014.
Kaya naman kinalampag ni Annavee Cudia, kapatid ni Cadet Aldrin Jeff, kandidatong number 2 sa PMA Siklab Diwa Class 2014, top sa Navy Class at isa ring Deputy Baron ang liderato ng PMA at Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa kaso ng kaniyang kapatid na umano’y biktima lamang ng makikitid na pag-iisip ng mga tactical officer nito.
Sa liham ni Annavee na tiniis ng kanyang kapatid ang pahirap sa PMA upang makatapos ng pag-aaral at dahil lamang nahuli ng dalawang minuto sa isang klase ay hindi na siya papayagang maka-graduate.
Hiniling ni Annavee sa kaniyang liham na huwag ipagkait ang honor at graduation sa kaniyang kapatid na nagsikap para lamang makapagtapos ng pag-aaral kahit mahirap ang kanilang pamilya na iginagapang ng kanilang mga magulang ang pag-aaral nilang apat na magkakapatid na pumapasok ng walang laman ang tiyan.
Ayon pa sa liham na si Aldrin Jeff ay unang pumasok sa PUP bilang iskolar ng BS Accountancy at kahit P666.00 lang ang tuition fee ay muntikan nang matigil sa pag-aaral at dahil pangarap nito na magsilbi sa bayan bilang sundalo (kagaya ng kanyang tatay) ay pumasok ito sa PMA.
Ang masakit pa anya ay bawal itong bisitahin ng kahit kadete at pati Chaplain ng PMA at inanunsiyo na ng kanilang Commandant na dismissed na ito dahil lamang nahuli ng 2 minuto sa klase.
Ayon naman kay Aldrin na kaya siya nahuli ay dahil nahuli ng pag-dismiss ang propesor nila na ayaw naman paniwalaan ng Honor Committee.
Ayon pa kay Annavee napag-initan si Aldrin ng kaniyang tactical officer kaya naging makitid ang kaniyang pag-iisip sa pagpapataw ng kaparusahan at ito lamang ang titser na nagbigay ng mababang grado sa kaniyang kapatid dahil matanong umano ito sa klase.
Sinabi naman ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col Ramon Zagala II, na ang kaso ay pinaiimbestigahan na ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista.
Nabatid na isang buwan ng nakakulong sa Holding Center si Cudia na ayon kay Annavee ay pinagbibitiw at pinaalis na sa akademya pero nilalabanan pa rin ng kaniyang kapatid ang tama, dangal at prinsipyo.