Pamilya pinasok ng ‘Gapos Gang’

MANILA, Philippines - Pinasok ng grupong “Gapos Gang” ang bahay ng isang pamilya at natangay ang nasa P500,000 halaga ng pera at alahas kahapon ng umaga sa Quezon City.

Sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga nang pasukin ng mga suspek  ang bahay ni Boy Serrano na matatagpuan sa Project 7 ng lungsod.

Ayon kay Cristine, anak ni Boy na apat na armadong lalaki na sakay ng isang kulay gray na Crosswind ang sumalakay sa kanilang bahay.

Nabatid na nagawang makapasok ang mga suspek nang lumabas si Boy para mag-fax ng dokumento sa fax station na malapit sa kanilang bahay.
Pagbalik ni Boy at  pagpasok sa gate ng bahay ay biglang huminto ang isang Crosswind at mula rito at nagsipagbabaan ang tatlong lalaki at agad na tinutukan ng baril at inutusang buksan ang gate.

Nang mabuksan ay kinaladkad ng mga suspek si Boy sa loob saka iginapos ang mga kamay at habang iginagapos ang mga kamay ay duma­ting ang pang-apat na suspek at may dalang ba­reta at tinanong kung ilan sila sa loob ng bahay. 

Nang sumagot si Boy na isa lang, ay saka tinakpan ang bibig nito ng tape,  bago umak­yat ang dalawang suspek sa ika­­la­wang ­palapag kung saan naroon ang mga kuwarto ng pamilya.
Sabi pa ni Cristine tinangkang buksan ng mga suspek ang pinto ng kanyang kuwarto, pero nakakandado ito.

Sa banyo naman ay nakita ng suspek si Louie, nadulas ito kaya’t  nagawang pagsusuntukin ni Louie, pero nakita siya ng kasama ng suspek at pinukpok siya nito sa ulo ng baril.

Nagawang namang makatakas ni Mark sa pagtalon sa bintana at nagsisigaw ng tulong, dahilan para mu­ling tangkaing buksan ng mga suspek ang kuwarto ni Cristine, pero nahirapan ang mga ito dahil sa gamit na iniharang nito sa pinto.

Nagpasya na rin si Cristine na lumabas ng bintana at dumaan sa bubungan ng kapitbahay.

Sa puntong ito, nagpasya ang mga suspek na umalis matapos mabatid na may nakalabas na sa pamilya ng biktima.

Nang makaalis ang mga suspek ay nagpasya si Cristine­ na bumalik sa kanilang bahay kung saan nadiskubre na nagkalat ang gamit sa buong kabahayan at nawawala ang kanilang pera at alahas.

Habang si Boy ay nagawa ring makalabas habang na­kagapos at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Inabutan din nila si Mark Louie na nakahiga sa semento matapos na tumalon mula sa kanilang bahay. Agad din itong dinala sa malapit na ospital.

Natangay ng mga suspek ang mga alahas na aabot sa P200,000; P50,000 cash; mga relos na nagkakahalaga ng P200,000; at isang Nokia cellphone.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Quezon City Police District Station 2.

 

Show comments