Lider ng NPA rebels natiklo

MANILA, Philippines - Isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na sangkot sa kasong murder at robbery-in-band ang nasakote sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa Brgy. Lopez, Silay City, Negros Occidental kamakalawa.

Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Victor Tapang, isa sa mga opisyal ng Taxation Bureau ng NPA’s Komiteng Rehiyonal–Negros at dati ring Commander ng Sentro de Grabidad Platoon codename Cherry Mobile ng Northern Negros Front (NNF).

Sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon ay kasalukuyang lulan si Tapang ng XRM 125 na motorsiklo angkas ang isang Lorenzo Perolino alyas Tisoy nang ito ay masakote ng pinagsanib na elemento ng pulisya at mga sundalo sa Hacienda Imbang, Brgy.Lopez, subalit nakatakas si Perolino.

Nasamsam din kay Tapang ang isang cal. 45 Mark IV pistol na may magazine na naglalaman ng anim na bala at dalawang rifle grenades mula sa compartment ng motorsiklo nito.

Si Tapang ay nahaharap sa kasong murder sa pagpatay  sa dalawang sibilyan na nagresulta rin sa pagkasugat sa ambush sa isang behikulo sa Sitio Toril, Brgy. Salamanca, Toboso noong Hulyo 13, 2009.

Nabatid  na kagaga­ling lamang ni Tapang sa pakikipagpulong kay Bayan-Negros Chairman Christian Tuayon at Karapatan–Negros Secretary General Clarissa Singson sa bahay ni Silay Councilor Joedith Gallego nang masakote ito.

 

Show comments