Tambay pinagbabaril patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang tambay matapos na pagbabarilin ng hindi pa batid na suspek na naganap sa Coloocan City, kamakalawa ng hapon.

Dead-on-arrival sa Martinez Memorial Hospital sanhi ng mga tama ng bala ng .9mm na baril sa katawan ang biktimang si Edmer Ocampo, 39-anyos,  nakatira sa Pateros corner Pasig Sts., Maypajo sa lungsod.

Base sa imbestigasyon nina SPO1 Frederick Manansala at PO3 Rommel Bautista, ng Caloocan City Police, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-5:30 ng hapon sa tapat ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Nakatambay umano ang biktima ng dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo na for registration ang plaka at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang salarin sakay ng kanyang motorsiklo.

Dali-dali namang dinala si Ocampo sa pagamutan ng kanyang mga kaanak,  subalit hindi na rin umabot ng buhay. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naganap na krimen para mabatid ang pagkakakilanlan ng suspek.

Show comments