MANILA, Philippines - Labing-apat katao kabilang ang isang komedyante ang iniulat na nasawi habang 31 iba pa ang malubhang nasugatan nang mahulog ang isang pampasaherong bus sa Bontoc, Mt. Province kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang aksidente matapos bumulusok sa humigit kumulang na 500-meters o 1,600-talampakan taas na bangin ang Florida Bus (TXT 872) sa bahagi ng Sitio Pagang, Barangay Talubin sa bayan ng Bontoc.
Kinilala sa ulat ni Senior Supt. Oliver Enmodias, provincial police director ng Mt. Province ang walo sa 14 na nasawi ay si komedyanteng si Arvin ‘Tado’ Jimenez, 39; Marcial C. Bernard Jr.; Andrew David Sicam; Natividad Ngawa; Gerald D. Baja; Ana Alaba kabilang ang dalawang dayuhan na sina Alex Adres Loring, Canadian national at Anne Van De Van, Netherland national.
Ang iba pang mga sugaÂtan ay isinugod sa Bontoc General Hospital na sina Jerymiah Agnapan, 34; Agung Sikam, 7; Silvestre Dawey,22; Ammelok, 32; Codiamat, 27; Teresita Sawad, 51; Melchor Suagen, 22; Camille Osorio, 28; Bernard Bernard, 28; Christian Conrado, 34; Alexander Longlong, 42; Kristina De Leon; Naty Bang-i, 57; Robert Conrado, 45; Aby Atin, 24; James Posao, 38; Carina Hairer, 19; Basilan Miluardo, 43; Abegail Sikam; Edgar Kemon, 39; Winsislaw Siano, 30; Michael Ligito, 27; Dun Chavez, 30; Jason Melchor, 38; Olivia Aglipay, 27; Charlie Santamaria, 32 ; Paeng Cordove, 32; at ang driver ng bus na si Edgar Renon, 39.
Galing umano sa Sampaloc, Maynila ang nasabing bus at patungo sana sa nabanggit na lugar lulan ang 45 katao nang biglang mahulog sa malalim na bangin.
Agad nasawi ang 9 habang ang 5 iba ay namatay habang dinadala sa ospital.
Masusi ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung ang sanhi ng aksidente ay mechanical o human error.