MANILA, Philippines - Namatay noon din ang 52-anyos na si Rolando Nillo ng Bagong Barrio, Caloocan City dahil sa pagÂkabagok ng ulo nang sumemplang ang minamanehong motorsiklo matapos na takbuhan ang police checkpoint kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Sa ulat ng pulisya, alas-2:00 ng madaling-araw ay nagsasagawa police checkpoint sa kahabaan ng Gen. T. De Leon ng lungsod nang mamataan ang biktima na walang helmet habang minamaneho ang motorsiklo na for registration ang plaka.
Kaya’t pinara ito ng mga pulis, subalit sa halip na huminto ay pinaharurot nito ang motorsiklo kaya’t hinabol din ito ng nakamotorsiklong mga pulis.
Pagdating sa palikong bahagi ng McArthur Highway, Barangay Malinta ay nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang biktima at nagpagewang-gewang hanggang sa sumemplang ito.
Sa lakas ng semplang ay tumilapon ito at tumama ang ulo sa gutter ng bangketa na agad nitong ikinasawi.