MANILA, Philippines - Walang kadahilanan na sinaksak ang isang karpintero ng kanyang kapitbahay habang ang mga ito ay magkahiwalay na nag-iinuman sa kanilang lugar kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Cesar del Rosario, 52 nang maubusan ng dugo dahil sa saksak sa balikat.
Tumakas naman ang suspek na si Louie Antonio, 22, kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima sa Block 8, Lot 1, Lot St., Victoria Extension, Brgy. Sauyo, Novaliches nang lapitan ito ng suspek at agad na sinaksak.
Bago ang krimen ay magkahiwalay na nag-iinuman ang suspek at biktima nang tumayo ito una at nagbunot ng patalim at inundayan ng saksak ang huli.