MANILA, Philippines - Isang mag-ama na kapwa nakagapos ang natagpuang patay sa loob ng kanilang kuwarto matapos gilitan ng leeg ng mga hindi pa kilalang magnanakaw na pumasok sa kanilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Ang mag-amang nasawi ay kinilalang sina Felizardo Coralde Jr., 47, Record Officer ng Malabon City Hall at anak na si Albert Coralde, 19-anyos, kapwa residnete ng #34 N. Vidal St., Barangay Ibaba, ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ni Cathy Coralde, anak ni FeliÂzardo na siya ay naalimpungatan dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa ingay gaÂling sa kuwarto, subalit binaliwala niya ito sa pag-aakalang nagtatalo lang ang ama at kapatid.
Nadiskubre lang niya na patay dakong alas-5:00 ng umaga ang kanyang ama at kapatid na kapwa laslas ang leeg nang buksan niya ang kuwarto na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Sa imbestigasyon ng pulisya na magulo ang kuwarto nang pasukin ng hindi pa mabilang na magnanakaw na pumasok na kung saan ay tinangay ang cellphone, laptop at ilang piraso ng alahas ng mga biktima.
Hinala ng pulisya na nagising ang mag-ama sa ingay na nilikha at nang makita nila ang mga magnanakaw ay ginapos sila bago pinatay.
Sinabi pa ng pulisya na posibleng naging target na pagnakawan ang bahay ng mga biktima dahil sa kararating lang mula sa Estados Unidos ang ina ni Felizardo na si Socorro Coralde, 83.