MANILA, Philippines - Nasugatan ang 12 katao kabilang ang reporter at cameraman ng TV5 nang yanigin ng dalawang insidente ng pagsabog sa Brgy. Lower Salvo, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kahapon.
Batay sa ulat ni Sr. Supt. Rodelio Jocson, Director ng Maguindanao Provincial Police Office (PPO), pasado alas-7:00 ng umaga ang unang pagsabog at pagkalipas ng isang oras ay muling nagkaroon ng pagsabog.
Tumanggi si Jocson na tukuyin ang pangalan ng mga nasugatan, subalit iniere ng TV5 na ang kanilang reporter na si Jeff Caparas at cameraman na si Adrian Bulatao ay kabilang sa mga nasugatan kasama ang apat na sundalo at apat na sibilyan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Ang sumabog ay isang IED na itinanim sa highway na dinadaanan ng mga sundalo na ginamitan ng cellphone bilang triggering device.
Sa ulat, nagtungo sa Brgy. Lower Salvo ng bayang ito sina Caparas para magkober sa naunang pagsabog pero habang nasa lugar ay naganap ang ikalawang pagsambulat ng isa pang bomba.
Nabatid na apat na sibilyan ang nasugatan sa unang pagsabog at ang TV5 crew at anim na sundalo ay sa ikalawang insidente ng pagsabog.
Pinaniniwalaan naman ng mga otoridad na ang pagpapasabog ay bahagi ng diversionary tactics ng BIFF kaugnay ng bakbakan sa pagitan ng kanilang puwersa at ng tropa ng mga sundalo na nagsimula noong Lunes (Enero 27) kung saan ay nasa 52 na ang naitatalang nasawi na bandido.