Bangkay ng lalaki inabandona sa pick-up

MANILA, Philippines - Natagpuan ng mga residente ang naaagnas ng bangkay ng isang lalaki sa likod ng inabandonang sasakyan kamakalawa ng gabi sa Antipolo City, Rizal.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng nakuhang lisensiya sa pitaka nito na si Noel Tecson, 55.

Ayon sa pulisya, dakong alas-9:00 ng gabi nang matagpuan ng ilang residente ang bangkay ng biktima sa likod ng isang Nissan Pick-up (NIF-770) at inabandona sa madilim na bahagi ng Sumulong Highway sa Barangay Masinag.

Nabatid na nakaamoy ang mga residente ng masangsang kaya’t hinanap nila ang pinagmumulan nito at natunton na mula ito sa naturang pick-up, na ilang araw na umano nilang napansing inabandona sa naturang lugar.

Ang biktima ay may takip na tela sa ulo at nakatali ang mga kamay, may taga sa ulo.

Naniniwala naman ang mga aotoridad na posibleng pinaslang sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa naturang lugar upang iligaw ang imbestigasyon.

Show comments