2 kelot dedo sa resbak

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi habang dalawa ang  nasugatan nang pasukin at pagbabarilin ng isang grupo ng kalalakihan ang isang compound sa Taguig City kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa  ulo at kamay sina Mark Gonzales, 19 at Mark Lou Benito, 31, kapwa residente ng Purok 6, Dela Paz St., Ibayo, Brgy. Napindan.

Ang mga nasugatan na dinala sa Rizal Medical Center ay sina Joel Valenzuela, 37 ng San Lorenzo Ruiz St., Brgy. San Juan, Taytay Rizal na nagtamo ng tama ng bala sa likod at tagiliran at Joshua Diocson, 54, ng Centenial 2, Brgy. Nagpayong, Pasig City,  na nahagip ng bala sa tagiliran at kamay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8:40 ng gabi ay tinangkang pasukin ng apat na suspek ang compound sa Purok 6, Dela Paz St., para sundan ang biktimang si Valenzuela ngunit sinita at hinarang ito ng isa pang biktima na si Gonzales.

Nagpasya ang mga suspek na umalis, ngunit ilang minuto ang nakakalipas ay bumalik ito na pawang  armado na ng mga baril at niratrat ang grupo ng mga biktima saka mabilis na nagsitakas.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay may nakaaway umano ang isa sa mga anak ng may-ari ng isa sa bahay sa loob ng compound na posibleng rumesbak ang mga suspek.

Show comments