Ex-cop na naging kidnaper napatay sa shootout
MANILA, Philippines - Napatay sa shootout ang isang dating pulis na tinaguriang most wanted criminal at may patong na P300,000.00 sa ulo kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ang suspek na napatay ay kinilalang si Reniel Abogado na dating pulis at may ranggong PO1.
Si Abogado ay wanted sa kasong kidnapping at double murder noong 2008 nang kidnapin at patayin ang isang retiradong piloto at ang driver nito sa lalawigan ng Cavite kaya’t itinuring ng Phi-lippine National Police (PNP) at PACER na most wanted criminal.
Sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-4:20 ng madaling-araw sa kahabaan ng Payatas Road, Vialago St., Brgy. Payatas ay hinoldap muna ni Abogado ang negos-yanteng si Arnel Roldan habang papasakay sa motorsiklo na Yamaha Mio MX 125 (7985-CA) sa harap ng kanyang tindahan sa may kahabaan ng Congressional Dhalia St., Brgy. Payatas.
Kinuha ng suspek ang pera ni Roldan na P10,000; dalawang shades P17,000; isang Samsung cell phone at body bag P12,000; at motorsiko, bago nagsipagtakas.
Agad na ini-report ni Roldan ang insidente sa Police Station 5 kaya’t nasita ang suspek sa isang checkpoint sa kahabaan ng Payatas Road kanto ng Molave, subalit sa halip na huminto ay biglang pinaharurot ang motorsiklo.
Pinaputukan ni Abogado ang mga humahabol na pulis hanggang sa gumanti ng putok ang mga ito at tinamaan ang una at nasawi.
- Latest