MANILA, Philippines - May taglay umanong lason ang mga itinitindang pampasuwerte ngayong Year of the Wooden Horse.
Ayon sa grupong Ecowaste, ang mga Fung Shui amulets at charms na ibinibenta dahil sa paniwalang nakakapagpatanggal ng negatibong enerhiya at nakakapagbigay ng magandang kalusugan at kayamanan ay napatunayang kabilang sa “10 kemikal na pangunahing ikinababahala ng World Health Organization (WHO) para sa kalusugan ng publiko.â€
Gamit ang isang portable x-ray flourescence device, natukoy ng grupo ang sobrang lebel ng toxic chemicals sa 42 mula sa 50 samples ng mga talisman at pang-akit ng suwerte.
Sa 42 mantsa ng samples, natukoy ang lead na aabot sa 207,400 parts per million (ppm) sa 34 na samples, arsenic na 3,174 ppm sa 16 na samples at cadmium na 12,900 ppm sa apat na samples. Ang mataas na lebel ng antimony at chromium ay natukoy din sa ilang samples.
Ang sari-saring pampasuwerte ay nabibili sa halagang P20 hanggang 350 bawat isa mula sa mga lucky charms store at mga street vendors sa Binondo, Divisoria, at Quiapo Maynila.