Salvage victim ikinahon

MANILA, Philippines - Inilagay sa kahon ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage sa likod ng Tondo Sports Complex, malapit sa Manila Police District-station 2, kahapon ng umaga.

Sa paglalarawan ni SPO2 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section,  nang buksan ang kahon ay nakaluhod ang bangkay na nababalutan ng packaging tape ang mukha at saka tinakpan ng itim na garbage bag, may nakapulupot pang itim na electrical wire sa leeg, may mga sugat sa dibdib na umano’y mga tama ng saksak .

Tinatayang nasa 25-30 anyos, 4’11 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, maputi  at nakasuot na lamang ng kulay asul na brief.

Pinaniniwalaang hindi iisa ang may kagagawan ng krimen dahil sa sobrang pagpapahirap dito.

Nabatid sa ulat na dakong alas-6:30 ng umaga  nang madiksubre ang malaking kahon sa nasabing lugar sa J. Nolasco St., malapit sa himpilan ng Moriones Police Station.

Patungo umano sa simbahan ng Sto. Niño  ang isang Teofilo Tatlonghari ng  J. Nolasco St, nang maagaw ang kaniyang pansin ng malaking kahon at nang lapitan ay nakita niya na may agos ng dugo mula sa kahon.

Pinakialaman niya upang makita ang nasa loob at tumambad nga ang bangkay na nakaluhod at agad namang ipinaalam sa nasabing presinto.

 

Show comments