MANILA, Philippines - Dahil sa matagumpay na kasunduan sa huling annex kaya binati ng PaÂngulong Benigno Aquino III ang government panel sa pamumuno ni Miriam Coronel-Ferrer at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon sa Malacañang, magkakaroon ng seremonya sa paglagda sa kabuuan ng BangsaÂmoro Peace Agreement matapos na magkasundo ang gobyerno at MILF sa normalization annex ng kasunduan sa Kuala Lumpur, Malaysia kamakalawa.
Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., mahalagang achievement ito ng Aquino government upang magkaroon ng peace agreement sa MILF para sa kapayapaan sa Mindanao.
Aniya, natapos na ang apat na mahahalagang balangkas ng kasunduan tulad ng transitional provision, power sharing, wealth sharing at ang normalization annex.
Wika pa ni Sec. Coloma, matapos ang paglagda ng gobyerno at MILF noong October 2012 para sa framework agreement ay tuluyang nagkasundo ang magkabilang panig kamakalawa.
Isusumite na lamang ang Bangsamoro Basic Law sa Kongreso upang maging batas na ito saka ito ihahain sa nasasakupan nito para sa isang plebisito.
Ayon naman kay GRP panel chairperson Miriam Coronel-Ferrer, nabuo ang kasunduang ito dahil sa pagtitiwala ng MILF sa gobyerno ni Pangulong Benigno Aquino III tungo sa pagbabago.