Ducut, kapit tuko sa ERC - Solon

MANILA, Philippines - Tinawag na kapit tuko sa posisyon ni Akbayan partylist Rep. Walden Bello si Chairperson Zenaida Ducut dahil sa pagtanggi nitong magbitiw sa kanyang puwesto sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Ayon kay Bello, walang ibang paraan para malusutan ni Ducut ang galit ng publiko sa pagpapabaya umano nito sa puwesto at incompetence sa tungkulin.

Sa halip na magpalabas ng pahayag na lalong magpapalala sa kanyang sitwasyon ay dapat na manahimik na lamang si Ducut at magsimula nang mang-empake ng gamit.

Inihayag ni Bello na hindi nila ikinagulat ang pagpupumilit ni Ducut na manatili bilang pinuno ng ERC sa kabila nang panawagan na magbitiw sa kanyang puwesto.

Tiwala si Bello na matatanggal din si Ducut sa ERC dahil bahagi ng pagreporma sa power industry ay pagpapatalsik sa opisyal na nabigong tuparin ang kanilang mandato sa sambayanang Pilipino.

Magugunita na noong Enero 23, naghain sina Akbayan Reps. Walden Bello at Barry Gutierrez ng reklamo laban kay Ducut sa Office of the President, para patalsikin ito sa puwesto.

 

Show comments