MANILA, Philippines - Todas ang dalawang dating pulis makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga suspek na riding-in-tandem na naganap sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang unang biktima ay kinilalang si Merick Dimapilis, 34, residente sa may # 2013 Joseph St., Barangay Holy Spirit sa lungsod. Siya ay dating kagawad ng Montalban PNP pero nasibak sa puwesto makaraang mag-absent without official leave sa trabaho.
Ayon kay PO3 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, ang pamamaril at pagpatay kay Dimapilis ay naganap dakong alas-8:00 ng gabi sa San Simon St., Barangay Holy Spirit sa lungsod.
Ayon sa report, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo at angkas ang isang Armylyn Garfin nang sumulpot sa kanilang likuran ang mga suspek at pagbabarilin si Dimapilis habang hindi naman sinaktan si Garfin.
Ang ikalawang biktima ay kinilalang si Edilberto Dela Cruz, dating pulis Maynila na pinagbabaril din ng riding-in-tandem sa Soler St., Divisoria market, Binondo, Maynila.
Ayon kay P/Supt. Raymundo Liguden, station commander ng MPD-Station 11, ang pagbaril at pagpatay kay Dela Cruz ay naganap ng alas-9:50 ng gabi, sa Soler St., habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang karinderya.
Ayon sa report, habang abala si Dela Cruz at misis nitong si Emerlina sa pagliligpit ng kanilang gamit nang tumigil sa harap ng kanilang tindahan ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima. Nang matiyak na patay na ito ay saka mabilis na tumakas ang dalawa at hindi naman sinaktan ang kanyang asawa.
Sinasabing bago maganap ang insidente ay nag-away umano ang biktima at si Barangay Chairman Marissa Alejandro dahil dalawang linggo na umanong hindi nagbibigay ng P400 na ‘butaw’ sa kanyang karinderya.