MANILA, Philippines - Tatlong katao ang nalibing nang buhay kabilang ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos na matabunan ng lupa mula sa gumuhong bundok sa magkakahiwalay na landslide dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa lalawigan ng Agusan del Sur kamakalawa.
Sa ulat, kinilala ang unang biktima na si Ceferino Garcia, 62-anyos ng Purok Loring Bentilasion, Sitio Tinago, Brgy. Sta. Cruz, Rosario ng lalawigan.
Batay sa ulat, bandang alas-7:30 ng umaga nang matabunan ng lupa mula sa gumuhong bundok si Garcia nang tangkain nitong iligtas ang anak na lalaki na nagmimina ng ginto sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar.
Ang ikalawang insidente ay naganap dakong alas-9:00 ng umaga nang matabunan din si Isagani Depillo, biyudo, 32, ng Brgy. Sta. Cruz, Rosario ng lalawigan habang nagmimina rin ng ginto.
Nasawi rin ang 9-anyos na si Dominick Hatico nang matabunan ng gumuhong bundok ang kanilang bahay sa Brgy. Tinago, Bunawan ng nabanggit na probinsya habang ito ay mahimbing na natutulog.
Ang Agusan del Sur ay kabilang sa mga lalawigan sa CARAGA Region na nakakaranas pa rin ng malalakas na pag-ulan sanhi ng pana-nalasa ng low pressure area (LPA).