MANILA, Philippines - Huli ang isang pulis at tatlo pa niyang kasama habang sumisinghot ng shabu sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Nakakulong na ngayon sa selda ang mga nadakip na sina PO1 Ollan De Guzman; Leonidez Mendoza, 36; Romma Villanueva, 22 at Bernie Ulit, 20.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Malabon police sa ginagawang pot session ng apat sa P. Bautista St., Barangay Niugan sa lungsod.
Agad na nagsagawa ng anti-drug operation ang mga kagawad ng Malabon Police dakong alas-12:45 ng madaling araw na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek.
Akto umanong ‘bumabatak’ ng shabu ang apat nang sila ay dakmain ng mga awtoridad.
Nabatid din na si PO1 De Guzman ay nakatalaga sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City at Absent Without Official Leave (AWOL) na sa serbisyo.