MANILA, Philippines - Naaresto ng mga otoridad ang apat na lalaki sa ginawang panghoholdap at pagtangay sa sasakyan na Land Cruiser sa driver ni dating congressman Mat Defensor sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Gonzalo Terado, 38, Noel Delosa, 34; Alvin Ignacio, 33; at Dennis Valdez, 29.
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa may Balara Filter sa Barangay Pansol nang maispatan ang ginagawang panghoholdap sa biktimang si Danilo Victoria.
Nabatid na nasa loob ng Land Cruiser (PQO-256) si Victoria at naghihintay sa among dating kongresista sa may Xavierville Avenue, Loyola Heights nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Biglang tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima at inutusang paandarin ang sasakyan patungong Brgy. Pansol na naispatan naman ng mga nagpapatrulyang tropa ng PS9 sa lugar.
Agad na sinundan ng tropa ang sasakyan hanggang sa pumarada ito sa may Balara Filter sa Brgy. Pansol ay dito ay nagpasya ang mga otoridad na lapitan ang sasakyan na ikinagulat ng mga suspek na hindi nagawang makatakas.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang kalibre 45, isang kalibre 9mm, mga bala, isang granada, at hindi madeterminang gramo ng shabu.
Sa record ng pulisya ang mga naarestong suspek ay responsable rin sa tatlong kaso ng robbery holdup na kinabibilangan ng isang UP faculty na si Perlita Frago-Marasigan noong Oct. 16, 2013; mga negosyanteng sina Jen Victoria Peñaflor at Arem Miciano, noong Nov. 24, 2013; at isang Gemma Hoshino, noong Nov. 28, 2013.
Tiniyak din ni Albano na dahil sa mga kasong kakaharapin ng mga suspek ay hindi na magagawang makapagpiyansa ng mga ito, lalo na ang may kinalaman sa illigal na droga.