Malaysia crackdown sa illegal Pinoys atbp.
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang pamahalaang Pilipinas na maghanda sa isasagawang malawakang pag-aresto ng pamahalaang Malaysia sa mga illegal na banyaga na sisimulan sa Martes (Enero 21) na kung saan ay maraming Pinoy ang apektado.
Pinaalalahahan ni Philippine Ambassador sa Malaysia Eduardo Malaya ang mga Pinoy na siguraduhin na ang kanilang mga dokumento ay maayos tulad ng working permit, visa upang maiwasan ang hindi kanaisnais na pangyayari sakaling suriin ang kanilang mga dokumento.
Hiniling din ni Malaya sa mga employers at mga ahente ng overseas Filipino workers (OFWs) na ibigay ang passport at iba pang identification documents upang masiguro ang kaligtasan ng mga kawani nilang Pinoy.
Binalaan din nito ang mga illegal Filipino workers na bumalik agad sa Pilipinas dahil sa hindi sila parurusahan ng Malaysian government kundi pagmumultahin lamang ang mga nagkukusang umalis.
Ang mga lumabag na mahuhuli ng Malaysian government ay ikukulong muna habang inaayos ang kanilang deportation para masiguro na hindi na makakabalik ang mga ito gamit ang mga pekeng pagkakakilanlan dahil sa kukuhaan sila ng biometric fingerprints.
Sa kasalukuyan ayon sa Commission of Overseas Filipinos (CFO) as of December 2010 nasa 316,273 ang Pinoy sa Malaysia at dito ay 200,000 ang overstaying at kapag nagsagawa ng crackdown ay apektado ang 6 sa 10 Filipino rito.
Nabatid pa sa CFO na ang Malaysia ang may pinakamaraming Pinoy workers sa buong mundo na sinusundan ng Estados Unidos na mayroong 156,000 irregular Filipino workers.
Bukod sa Filipino ay apektado rin ng crackdown ang mga natio-nals mula sa Indonesia, Thailand, Cambodia, Myanmar, Nepal, Laos, Vietnam, Pakistan, Sri Lanka, Uzbekistan, Kazakhstan, India, at Bangladesh.
Nabatid na mahigipit nang ipinagbabawal ng Malaysian government ang pagtatrabaho ng mga dayuhan sa mga fast food restaurants upang mabigyang prayoridad ang kanilang mamamayan na mabigyan ng trabaho.
- Latest