Binata dinampot ng pulis, natagpuang patay

MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng kaanak ng isang 19-anyos na binata na sinalvage ang biktima ng hindi pa kilalang mga pulis na sakay ng mobile car matapos matagpuan ang bangkay nito sa isang kalye sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima ay kinilalang si Mike Salas, ng 16th St., North Cemetery, Maynila na pawang tadtad ng saksak ang katawan at palatandaan din na sinakal.

Sa salaysay ng kaibigan ng biktima na si Robert John Rorillo na bago ito natagpuang patay dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa harap ng Mayon St., Brgy. NS Amoranto ng lungsod ay kasama niya ito at ilang kaibigan sa Mauban St., dakong alas-10:00 ng gabi upang gumala.

Ilang oras ang nakalipas ay nagpasya na silang maghiwalay at sa malayo ay nakita pa ni Rorillo habang naka-sabit siya sa jeep ang biktima na nakisindi pa ng sigarilyo sa isang pahinante ng truck hanggang sa hintuan ito ng isang mobile patrol ng police at dito ay may bumabang nakasibilyang lalaki at nilapitan si Mike at hindi na nito nakita kung isinakay ito sa mobile car.

Makalipas ang ilang oras ay may nabalitaan siya na may bangkay sa nasabing lugar at nang puntahan ay nakita niya ang kaibigan na isa nang patay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente.

Show comments