MANILA, Philippines - Winasak ng storm surge o daluyong ng dambuhalang alon ang may 113 kabahayan habang nasa mahigit 1,000 katao mula sa limang barangay na nakatira malapit sa baybaying dagat sa Jolo, Sulu.
Agad na kumilos ang 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu upang tulungan na ilikas ang mga apektadong residente sa evacuation centers.
Sa ulat, nagsimula ang storm surge na nasa 10-20 metro ang taas ng tubig dagat noong Enero 11 sa Brgy. Busbus, Jolo, Sulu kung saan 14 kabahayan ang nawasak at 14 paÂmilya naman ang inilikas na nasundan pa hanggang kahapon.
Tinamaan din ng storm surge ang mga residente sa Brgy. Tulay at dito ay 41 kabahayan ang nawasak at 150 pamilya ang apektado.
Nangyari rin ang storm surge sa Chinese pier sa Jolo, Sulu na nagresulta naman sa pagkawasak ng 57 kabahayan habang nasa 70 pamilya naman ang nagsilikas.
Isang bahay din ang nawasak sa Brgy. Takut Takut at isang pamilya rin ang apektado.