Flashfloods/landslides sa Mindanao: 14 patay,13 missing

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 14 katao ang nasawi habang 13 ang nawawala sa naganap na flashfloods at landslides sa Region XI at CARAGA sa Mindanao dahil sa nararanasang malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng low pressure area (LPA).

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region XI, lima ang nasawi sa landslide sa Brgy. Bangol at Brgy. Tubaon sa Tarragona, Davao  Oriental na kinilalang sina Misael Cabales, Ramil Legaspi, Niño Madindin, lfredo Moses at Roy Baron at Boy Arenas.

Namatay naman sa flashflood matapos na umapaw sa ilog ang biktimang tinukoy lamang sa pangalang Pedro at isa pa ang iniulat ding nawawala sa Brgy. Marayag, Lupon, Davao, Oriental.

Sa Compostela Valley naman ay 4 ang nasawi sa landslide na  kinilalang sina Francisco Lupe at Eddie Largo, dalawa sa  bayan ng Monkayo na ang 2-anyos­ na batang tinukoy lamang sa apel­yidong Aquino ng Brgy. Babag at Jenemae Gonzales, 6, ng Brgy. Mt. Diwata;10 ang sugatan at lima ang nawawala na kinilalang sina Rogelio Arcilla ng Brgy. Haguimitan at ang apat pa ay mula naman sa Brgy. Diwata; pawang sa bayan ng Monkayo.

Sampu katao rin ang nasugatan  at lima ang nawawala sa Brgy. Ngan, Compostela sa landslide at flashflood sa nasabing lugar.

Ini-report din ang pag-apaw ng mga ilog sa Compostela at New Bataan sa lalawigan kaya’t hindi madaanan ng mga behikulo ang Brgy. Ngan, Tamia at Mapaca; pawang sa bayan ng Compostela; Maragusan patungong Budalan at Luzvimin, Brgy. Katipuan gayundin ang Poblacion at Brgy. Inambatan sa Lower Ulip, Monkayo.

Iniulat  ni Office of Civil Defense (OCD) Region 13 Director Liza Mazo na dalawa ang nawawala sa CARAGA; isa rito ay si Jolito Agatia, 32 na tinangay ng malakas na agos habang tumatawid sa Aciga River sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte at Michael Paran, 14 na inanod naman ng tubig baha sa Mati River sa Taganoan, Surigao del Norte.

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 26,801 pamilya o  kabuuang 132,879 katao ang apek­tado ng flashflood at landslide  sa 86 Barangay, 26 munisipalidad sa Region IX, X at CARAGA; pawang sa rehiyon ng Mindanao.

 

Show comments