Lola pisak sa backhoe

MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang 55-anyos na lola na si Teresita Jaravilla nang ito ay mabundol at magulungan ng  isang  backhoe habang tumatawid kasama ang apo sa kahabaan ng Benigno Aquino Avenue sa Iloilo City kamakalawa.

Sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga ay kasalukuyang naglalakad ang matanda sa lugar upang ihatid  ang apong lalaki sa eskuwelahan ng mangyari ang insidente.

Ayon sa guwardiya ng eskuwelahan, masyadong matulin ang driver ng backhoe at hindi nito napansin ang matanda habang akay ang apo kaya’t nahagip  at nagulungan.

Masuwerte namang nakaligtas sa insidente ang apo ng nasabing matanda.

Nakatakdang kasuhan ng pulisya ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver na hindi muna pinangalanan.

Ayon pa sa pulisya ang backhoe ay pagaari ng Gio Transport na ginagamit sa pagsasaayos ng kalsada sa lugar.

Show comments