MANILA, Philippines - Isang motorsiklo ang sinalpok ng isang pampasaherong bus na ikinasawi ng tatlong katao habang pito ang nasugatan naganap kamakalawa sa highway ng Sipocot, Camarines Norte.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Bernie Nocete, 35-anyos, driver ng motorsiklo, ng Lupi, Camarines Sur, empleyado sa munisipyo ng Sipocot; Ivy Marie Angob, 21, ng Calbayog City at isa pang inaÂalam pa ang pagkakakilanlan na pawang pasahero ng bus.
Itinakbo naman sa Bicol Medical Center ang 5 katao na nasugatan makaraang mahulog sa kanal sa tabi ng highway ang bus. Habang ang dalawa pang sugatan ay pawang kaangkas sa motorsiklo ni Nocete.
Sa ulat, nabatid na galing sa Maynila ang Ultra bus na minamaneho ni Rex Turingan, 29, ng Pasay City; na patungong Southern Leyte nang mag-overtake ito sa isang delivery truck sa pakurbadang bahagi ng Rolando Andaya highway dakong alas-7:00 ng gabi at minalas na mabangga ang paparating na motorsiklo.
Sa lakas ng banggaan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya nagpagiwang-giwang ang bus na dumeretso sa isang kanal na naging sanhi ng pagkasugat ng mga pasahero nito.