Mag-asawa sumalpok sa nakaparadang trak, todas

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang mag-asawa matapos na aksidenteng sumalpok sa isang nakaparadang trak ang kanilang sinasak­yang motorsiklo habang buma­bagtas sa kahabaan ng Governors Drive Brgy.Paliparan 1 Dasmariñas City, kamakalawa ng gabi.

Ang nasawing mag-asawa ay kinilalang sina Felix Demabildo Jr, 57 at Susan Emabildo, residente ng Blk. 69, Lot 17 AFP Housing Zone 5, Bulihan, Silang, Cavite.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng trak na kinilalang si Larry Arquisola, 34, ng Molino Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:25 ng gabi ay mabilis na minamaneho ni Felix ang kanyang motorsiklo (DM-8297) angkas ang misis at binabagtas ang nasabing highway nang hindi umano napansin ang  nakaparadang trak (NQE-686) dahil sa madilim ang lugar.

Tuluy-tuloy na sinalpok ng motorsiklo ang nasabing trak at sa lakas nang pagkakasalpok ay kapwa tumilapon ang mag-asawa at napuruhan ang kanilang ulo sa kanilang pagbagsak.

Patuloy ang imbestigasyon kung may pananagutan ang driver na nagparada ng kanyang nasirang trak sa lugar.

Show comments