MANILA, Philippines - Gawing sagrado ang pagsasagawa ng Traslacion sa pamamagitan nang pagbibigay galang at pagpapahalaga.
Ito ang ipinaalala ni Monsignor Clemente Ignacio, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene na sagrado ang andas dahil ito ang nagbubuhat sa imahen ng Poong Hesus Nazareno na hindi dapat hayaang masira sa prusisyon.
Pinaalalahanan din ng pari ang mga mamayan at mga deboto na dapat igalang ang sakramento ng banal na misa bago ang Traslacion at huwag hayaang mahinto ang pagbibigay ng final blessing ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na siyang hudyat ng pagsisimula ng prusisyon.
Nakikiusap si Msgr. Ignacio sa lahat na tapusin ang banal na misa ng Kardinal at huwag mag-unahan na makaakyat sa andas na hindi natatapos ang sakramento ng misa.
Ipinaunawa din ni Msgr. Ignacio na ang tunay na deboto ng Poong Hesus Nazareno ay ang pagiging mapagmahal sa kalikasan kaya dapat huwag hayaan na maging madumi ang mga daraanan ng andas.
Nagbago ang ruta at hindi ito daraan sa McArthur bridge na isasailalim sa rehabiliÂtasyon kundi sa Jones bridge.
Hinikayat din ng pari ang lahat ng deboto na dumalo sa gagawing prayer vigil sa Quirino Grandstand na magsisimula ng alas-6:00 ngayong gabi.
Napansin din ni Ignacio ang pagdami ng mga dayuhang deboto ng Mahal na Poong Nazareno na dumaraÂting sa Maynila upang lumahok sa tradisyunal na taunang prusisyon.
Ito anya ay indikasyon na ang debosyon sa Black Nazarene ay lalong lumalawak, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong–dagat.