Pag-amyenda sa EPIRA law, aprub sa Pangulo

MANILA, Philippines - Aprub sa Pangulong Benigno Aquino III na amyen­dahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang lalong palakasin ang batas na ito sa kapakanan ng taumbayan.

Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., bukas si Pangulong Aquino sa malalimang pag-aaral at malawakang talakayan hinggil sa EPIRA.

Wika pa ni Coloma, naniniwala rin ang Pangulo na napapanahon nang suriin ang mga probisyon sa batas na ito upang tanggalin ang mga nakikitang kahinaan nito at palitan ng mga bagong batas na naayon sa kapakanan ng sambayan.

Aniya, noon pang Mayo 2012 nang idaos ang Mindanao Power Summit sa Davao, sinabi na ni Pangulong Aquino na kinakailangang suriin at alamin kung natupad ng EPIRA ang mga layuning pang-reporma na nakatakda sa batas na ito.

“Ang pag-aaral sa pag-amyenda ng batas ay dapat tukuyin ang pagkakaroon ng sapat na supply at estabilidad ng presyo ng kuryente, petrolyo, at enerhiya sa ating bansa,” dagdag pa ni Coloma.

 

Show comments