Tigdas outbreak dahil sa pagbabalewala ng ina

MANILA, Philippines - Ang pagbabalewala umano ng mga magulang na bakunahan ang kanilang maliit na anak ang dahilan ng maraming tigdas outbreak sa maraming lugar.

Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary at Spokesman Dr. Eric Tayag,
director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC) na 21% lamang ng mga bata ang nabakunahan laban sa tigdas, mula sa tatlong rehiyon sa bansa, kung saan nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng naturang sakit.

Kabilang sa mga naturang rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng tigdas ay ang National Capital Region (NCR) na may 744 kaso ng
sakit, Region 4-A na may 436 at Region 6 na may 282 kaso.

Batay sa rekord ng DOH, mula Enero 1, 2013 hanggang Disyembre 14, 2013 ay umabot sa 1,724 ang kumpirmadong kaso ng tigdas ang naitala
sa bansa mas mataas kumpara sa naitalang kaso sa
kahalintulad na petsa noong 2012.

Ilang barangay din sa Metro Manila ang may naitalang outbreak tulad ng: Dagat-dagatan at Bagong
Barrio sa Caloocan; Talon Singko, Talon Dos at Pamplona Uno sa Las Piñas; Longos at Tonsuya sa Malabon; Quiapo, Sampaloc, Tondo, Sta. Cruz, Port Area, Sta. Mesa at Binondo sa Maynila; North Bay Boulevard sa Navotas; Alabang at Putatan sa Muntinlupa City; Moonwalk at Don Bosco sa Parañaque City; Bagong Tanyag sa Taguig; at Ugong sa Valenzuela City.

Umapela uli si Tayag sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na may 6 hanggang 18 buwang gulang kontra tigdas
upang makaiwas ang mga ito sa sakit, na madaling makahawa at nakamamatay kung mapapabayaan.

Show comments