Lady manager ni-rape/slay

MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na babaeng farm manager ang  natagpuang patay na hinihinalang ginahasa muna bago pinagsasaksak ng hindi pa nakilalang mga salarin sa bayan ng Padre Garcia, Batangas kahapon ng umaga.

Ang biktima ay kinilalang si Jackielyn Jose, manager ng BMV Farm  na matatagpuan sa Brgy. San Miguel ng bayang ito.

Sa ulat na tinanggap ni Sr. Inspector Joel Ilagan, hepe ng Padre Garcia Police, bandang alas-5:45 ng umaga nang matagpuan ng isang residente na napadaan ang bangkay ng biktima na tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi.

Sa salaysay ng mga kaanak na  nabigong makauwi sa kanilang bahay noong Biyernes ng gabi ang biktima matapos na magtungo sa nasabing farm.

Malaki ang hinala ng pulisya na hinarang sa daan ang biktima  ng hindi pa nakilalang isa o hanggang dalawang lalaki.

Bagaman may indikasyong hinalay ang biktima isasailalim muna ito sa forensic examination upang mabatid kung positibo ito.

Blangko pa rin ang otoridad kung sino ang may kagagawan sa krimen kaya’t patuloy ang kanilang imbestigasyon.

 

Show comments