MANILA, Philippines - Isang 37-anyos na ginang ang binaril nang malapitan sa harap ng kaniyang 14-anyos na binatilyong anak kamakalawa sa Brgy. Sto Tomas South, Jaen, Nueva Ecija.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Aurora Cunanan Ilamparo, negosyante at residente ng Sitio Lumanas, Brgy. Sto Tomas.
Sa ulat, bandang alas-5:00 ng hapon ay kasalukuyang kalaro ni John Mark ang mga kaibigan nang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at hinanap ang kaniyang ina.
Agad namang tinawag ng bata ang kaniyang ina na nagkataong may ginagawa sa loob ng kanilang bahay, subalit paglabas ng ina ay agad na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinagbabaril ito.
Mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod sa pagamutan ang ginang, subalit nabigo nang mailigtas ang buhay nito.