MANILA, Philippines - Isinugod sa pagamutan ang may 23 katao matapos masugatan nang masabugan ng mga lumihis na paputok sa taunang “New Years Countdown†sa isang kilalang mall sa Pasay City noong Enero 1.
Agad din namang napalabas ng pagamutan ang ilan sa nasabugan dahil sa mga bahagyang pinsalang natamo.
Pinakamatindi sa mga biktima ay ang gurong si Marlyn Tiangha, 48, ng Gen. T. De Leon, Valenzuela City na nagtamo ng 1st degree burn sa sa may dibdib habang naratay din sa pagamutan ang 21-anyos na si Sonny Boy Hernandez, service crew na hinimatay nang sumabog sa harapan ang mga paputok.
Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-11:00 pa lamang ng gabi bago ang Bagong Taon nang dumating si Tiangha sa lugar at pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi nang mag-umpisa na ang fireworks display at labintatlong minuto pa lamang ang nakalilipas ay lumihis ng direksyon ng isang set ng mga paputok na sa halip na pataas ay tumagilid at napunta malapit sa mga taong nanonood at pawang nasabugan.
Samantala, nangako na naman umano ang pamunuan ng mall na sasagutin nila ang lahat ng gastos sa pagpapagamot sa mga naging biktima ng palabas.