Nasawi ang limang miyembro ng isang pamilya kabilang ang hostage taker na kanilang anak sa madugong 9 oras na hostage drama na naganap kamakalawa sa Pili. Camarines Sur.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Expedito Zepeda, padre- de-pamilya; anak nitong si Victor Zepeda; misis na si Charmaine, katulong na si Melly at anak nila na si Anthony Zepeda na siyang hostage taker.
Ayon kay Camarines Sur Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Ramiro Bausa, dakong alas-8:15 ng umaga nang magsimula ang panghu-hostage ng suspek sa kaniyang pamilya sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. San Roque, Pili.
Mahigit sa dalawang oras bago makatakas ang iba pang mga kamag-anak na sina Mar Zepeda, Erickson Amorao at ang mga kasambahay na sina Madelyn Nacario at Laurence Angelo habang nakikipagtalo ang suspek sa kaniyang ama at kuyang si Victor kaya’t nagawang mai-report sa pulisya ang insidente.
Agad namang binuo ang Crisis Management Committee sa pamumuno ni Pili Vice Mayor Nongnong Regandola kung saan nabigo pagkalipas ng siyam na oras na negosasyon at ilang sandali ay narinig ang isang putok ng baril sa loob ng bahay bandang alas-4:00 ng hapon.
Dito na pumasok ang mga pulis, subalit patay na ang apat sa mga biktima na ayon sa teorya ng mga pulisya ay ilang oras ng pinaslang at ang huling putok ng baril na kanilang narinig ay ng mag-suicide ang hostage taker.
Ayon sa pulisya, kilala sa real property development sa lalawigan kabilang ang St. Expeditus Golf Club ang pamilya na may pag-aari ring hotel at casino sa Polangui, Albay na ayon sa nakatakas na kaanak ay siyang pinagtatalunan ng suspek at kanyang ama at kapatid kaya’t naganap ang madugong hostage drama.